
Pinawi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pangamba na magkaroon ng 20% reduction o pagbaba sa produksyon ng mga pananim partikular sa palay dahil sa pagtaas ng presyo ng pataba at patuloy na krisis sa langis.
Sa panayam kay Laurel bago ang pagdinig sa Senado, hindi isinasantabi ng Kalihim na may posibilidad na mabawasan ang produksyon sa palay dulot ng kasalukuyang sitwasyon.
Gayunman, hindi naman aniya ito dapat ikaalarma dahil sa kasalukuyan, may oversupply o sobrang suplay ng bigas sa maraming bansa gaya ng India at Vietnam na kasalukuyang nasa harvest season.
Bukod dito, lahat din ng warehouses ng National Food Authority (NFA) ay puno pa at naging maganda rin ang ani ngayon.
Kung magkaproblema man sa produksyon, sa tingin ni Laurel ay sa susunod na taon pa ito mararamdaman.
Sa kabilang banda, depende pa rin aniya ito dahil bago pa man lumawak ang problema na sanhi ng gyera sa Middle East ay nagsimulang kumilos na ang ahensya para matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa bansa.










