Aabot sa dalawang daang (200) manggagawa ang nakatakdang mawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation (PSPC) refinery sa Tabangao, Batangas.
Sa interview ng RMN Manila kay Department of Energy Asec. Leonido Pulido III, nakikipag-usap na sila sa pamunuan ng Pilipinas Shell para matulungan ang mga apektadong empleyado ng pagsasara ng refinery.
Una nang inanunsiyo ng Pilipinas Shell na dahil sa hagupit ng COVID-19 pandemic, permanente na nitong isasara ang 110,000-barrel-kada-araw na refinery sa bayan ng Tabangao at gagawing “world-class full import terminal”.
Bagamat tiniyak ng DOE na hindi maaapektuhan ng pagsasara ang suplay ng langis sa bansa, gumagawa na ang kagawaran ng paraan upang hindi na maulit ang mga ganitong insidente sa hinaharap.
Ayon kay Pulido, nakatakda silang maghain ng panukalang batas sa Kongreso upang amyendahan ang Oil Deregulation Law at ang pagbuo ng Strategic Petroleum Reserve (SPR) sa bansa.