Nasa 2,000 na residente sa Quezon City ang nanakatanggap ng ayuda mula sa City Social Services Development Department at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Cash for Work Program.
Ang cash for work ay tulong sa mga residente na walang trabaho sa kasalukuyan.
Ngayong taon, ang mga benepisyaryong napili ay ang mga residenteng nagsimula ng community vegetable farming bilang bahagi ng urban farming sa lungsod.
Kabilang sila sa benepisyaryo ng Joy of Urban Farming na proyekto ng lokal na pamahalaan.
Sa loob ng sampung araw, sila ay inaasahang magtatanim at mag-aalaga ng gulay upang makatulong sa pang araw-araw na pangangailangan.
Samantala, may 185 na pamilya rin mula sa Barangay Bagumbayan na nawalan ng tirahan at ari-arian sa kasagsagan ng Bagyong Ulysses ang binigyan din ng cash assistance at food packs ng LGU.