Nagpapatuloy ang vaccination sa PNP General Hospital sa Camp Crame kung saan target ng PNP na mabakunahan ng 200 police officers ngayong araw.
Ito ay kaugnay sa pagsisimula ngayong araw ng vaccination program ng gobyerno matapos matanggap na ang 600,000 doses ng Sinovac vaccine mula sa China.
Sa pagsisimula, unang binakuhanan sina PNP Health Service Director BGen. Luisito Magnaye, PNP General Hospital Chief Director Lt. Col. Cleto Manongas at PNP General Hospital Deputy Chief Director Lt. Col. Raymond Ona.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, 800 doses ang alokasyon ng PNP General Hospital mula sa 600 libo bakuna ng Sinovac na dumating kahapon.
Kakayanin aniya ng PNP General Hospital na makapagbakuna ng 200 nilang tauhan kada araw.
Inaasahan nila na matatapos ang kanilang pagbabakuna sa unang batch ng health workers ng PNP sa loob ng apat na araw.
Ayon naman kay Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Guillermo Eleazar, walang nag back-out sa mga police officers na una nang nagboluntaryong unang tuturukan kahit pa Sinovac vaccine ang unang bakunang dumating sa bansa.
Aniya, sa ngayon ay nasa 75% na nang mahigit 200,000 PNP officers ang pumayag nang magpabakuna.
Patuloy naman nilang hinihikayat ang 25% police officers na magpabakuna.
Sinabi pa ni Eleazar hindi rin nila paparusahan ang mga hindi magpapabakuna pero hangad nilang lahat ng pulis ay magpapabakuna para mas magampanan ang kanilang misyong magpanatili ng kapayapaan.