Thursday, July 9, 2026

2,000 estudyante makikinabang sa Php60-M scholarship ng PAGCOR

MALOLOS CITY, Bulacan — Maglalaan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ng Php60 milyong scholarship fund para sa 2,000 estudyante mula sa mahihirap na pamilya sa Bulacan.

Nitong Lunes, Hulyo 6, ay inilabas ng ahensya ang inisyal na Php10 milyong pondo sa provincial government bilang panimula ng Ayudang Hatid ay Tagumpay (AHT) Scholarship Program, na magbibigay ng scholarship sa mga kwalipikadong Bulakenyo na papasok sa kolehiyo at technical-vocational courses.

Sa turnover ng unang tranche sa Bulacan Capitol Gymnasium, sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco na layunin ng programa na maibalik sa mga Pilipino ang pakinabang mula sa kita ng ahensya.

“Sa pag-turn over natin ng unang tranche ng pondo ngayong araw, hindi lamang tayo nagbibigay ng tulong sa sektor ng edukasyon,” ani G. Tengco.

“Namumuhunan din tayo sa kakayahan, pangarap, at potensiyal ng ating mga kabataang magiging katuwang natin sa pagbuo ng mas maunlad na Bulacan at mas matatag na bansang Pilipinas,” dagdag niya.

Sa kabuuang Php60 milyon, Php40 milyon ang ilalaan para sa 1,000 incoming college freshmen na kukuha ng apat na taong kurso, habang Php20 milyon naman ang para sa 1,000 estudyanteng kukuha ng technical-vocational courses.

Binigyang-diin ni G. Tengco na hindi lamang regulasyon sa gaming ang tungkulin ng PAGCOR.

“Una, itinatag ang PAGCOR para masugpo ang ilegal na pasugalan,” aniya. “Pangalawa, at ang pinakamahalaga, ay upang maibalik sa taumbayan ang mga kinikita ng PAGCOR sa pamamagitan ng mga programang makatutulong sa mga Pilipino at sa nation-building.”

Nagpasalamat naman si Bulacan Governor Daniel Fernando sa ayuda ng PAGCOR at sinabing mas marami nang kabataang Bulakenyo ang mabibigyan ng pagkakataong makapag-aral sa kabila ng kakulangang pampinansiyal.

Ang scholarship program ay bahagi ng Bawat Buhay Mahalaga Caravan, na naglalapit ng iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad.

Inanunsyo rin ni G. Tengco na popondohan ng PAGCOR ang pagpapatayo ng 10 tatlong-palapag na school building sa Bulacan, gayundin ang pagtatatag ng Bulacan Sports Academy para sa mga batang atletang nais mahasa ang kanilang talento.

Pinangunahan ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco (ika-7 mula kaliwa) ang turnover ng Php10 milyong scholarship grant para sa 2,000 incoming college freshmen at technical-vocational students sa Bulacan. Kasama sa larawan sina Governor Daniel Fernando, Vice Governor Alexis Castro, Provincial Administrator Antonita Constantino, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, at iba pang opisyal ng PAGCOR.
Ipinagkaloob ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco (gitna) ang Php10 milyong tseke para sa Ayudang Hatid ay Tagumpay Scholarship Program kina Bulacan Governor Daniel Fernando (kanan) at Vice Governor Alexis Castro sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City noong Hulyo 6.
Nagbigay ng mensahe si PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco sa turnover ng unang Php10 milyong pondo para sa Ayudang Hatid ay Tagumpay Scholarship Program sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City noong Hulyo 6.
Facebook Comments