Patuloy sa pagbibigay ng tulong ang gobyerno sa mga repatriated Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Overseas Workers Welfare Administration Administrator (OWWA) Hans Leo Cacdac na nasa 20,000 OFWs na ang kanilang nabigyan ng transportasyon pauwi, food packs at hotel accommodations.
Sa nasabing bilang, 8,000 dito ang nabigyan ng hotel accommodations partikular sa greater Manila area para doon gugulin ng mga OFWs ang kanilang 14-day mandatory quarantine period.
Ayon pa kay Cacdac, ngayong tuluy-tuloy pa rin ang pagdating ng ating mga kababayan sinisiguro nitong may matutuluyang hotel ang mga ito para sa kanilang quarantine at kapag natapos na nila ang kanilang 14-day mandatory quarantine period ihahatid ang mga ito sa kani-kanilang mga lalawigan.
Sa isyu naman ng poor sanitization ng mga hotel, iginiit ni Cacdac na accredited ng Department of Tourism (DOT) ang mga tinutuluyang hotels ng ating mga OFWs kung kaya’t kung mayroon mang problema ay kanila ding natutugunan.
Maliban dito, ginagabayan din nila ang mga OFWs sa kanilang mental health at sa katunayan katuwang nila ang Ugat Foundation maging ang Philippine Red Cross sa pagbibigay ng mental health care sa ating mga OFWs.