200,000 manggagawang permanenteng nawalan ng trabaho dahil sa pandemya, sinu-solusyonan na ng DOLE

Nilinaw ng Department of Labor and Employment na nasa 200,000 lang ang bilang ng permanenteng nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III na mula sa naitalang 4.4 million unemployment rate nitong nakaraang buwan, 1.9 million rito ay pansamantala lang na nawalan ng trabaho at unti-unti nang nakakabalik lalo pa’t niluluwagan na ang mga ipinatutupad na quarantine status sa bansa.

Nasa 1.2 milyong manggagawa aniya ang nabawasan ng trabaho dahil sa flexible working arraignment, pero unti-unti na rin aniya naaayos ito ngayon.


Sa kabuuan, sinabi ni Bello na nasa 200,000 manggagawa lang ang nawalan ng trabaho at ito ang pinagsisikapan nila ngayon na matulungan.

Samantala, umaasa naman ang Department of Trade and Industry na mapapabilis na mailagay sa Modified General Community Quarantine ang Metro Manila.

Sa interview ng RMN Manila kay DTI Usec. Ruth Castelo, ito ay upang maging 100-percent na ang capacity ng mga nag-ooperate na negosyo sa bansa.

Sinabi ni Castelo na kung mangyayari ito, mababawasan ang bilang ng walang trabaho sa bansa dahil sa pandemya.

Tiniyak naman ng DTI na sakaling luwagan ang mga quarantine restrictions para sa ekonomiya, mahigpit pa rin na ipatutupad ang “minimum health at safety protocols”.

Facebook Comments