Manila, Philippines – Humiling ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa Korte Suprema na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) na atasan ang mga head revisor na ipatupad ang correct threshold ng manual vote recount ng 2016 vice presidential election.
Ito ay kaugnay ng electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban kay Robredo.
Naghain ang mga abogado ni Robredo na sina Atty. Romulo Macalintal at Atty. Bernadette Sardillo ng urgent motion sa PET matapos magamit ng revision committees ang 50% threshold para sa recount process.
Ayon kay Macalintal, dapat sundin ng mga PET revisors ang tamang threshold para mabilang ang mga boto.
Nabatid na itinakda ng Commission on Elections (COMELEC) sa 25% ang threshold para mabilang ng mga Vote Counting Machines (VCM) ang mga boto. Kung ang shading na ginawa ng botante ay hindi umabot sa 25% o higit pa ay hindi ito mabibilang.