2018 NATIONAL BUDGET | Senado at Kamara, nagkasundo na

Manila, Philippines – Nagkasundo na ang Kamara at Senado sa ilang mga contentious issues sa bicameral conference committee para sa 3.7 Trillion na budget sa 2018 national budget.

Ilan sa mga pinagtalunan nitong mga nakaraan ng dalawang kapulungan sa bicam ay ang pagpapakaltas ni Senator Panfilo Lacson ng P50 billion sa pondo sa right of way at civil works ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Maraming mambabatas ang umalma sa budget cut sa DPWH dahil maraming mga proyekto ang mabibinbin at maaantala.


Pero, tuloy pa rin ang 4 billion na tapyas sa pondo ng DPWH o magiging 622 Billion mula sa orihinal na 626 Billion na pondo ng ahensya.

Ayon kay Appropriations Committee Chairman Karlo Nograles, tuloy pa rin ang bicam pero nalagpasan na nila ang mahirap na bahagi ng mga pagtatalo sa 2018 budget.

Hinala ni Nograles, iba ang pagkakaunawa ng mga ilang senador sa right of way kaya napag-initan na alisin ito.

Paliwanag ni Nograles, hindi maaaring alisin ang budget sa right of way dahil kapag napaalis sa lugar na tatamaan ng itatayong imprastraktura ang mga tao, kailangan ng budget para sa relocation at kapag wala silang nakitang itinatayong paglilipatan para sa mga maaapektuhan ng Build, Build, Build Program ay tiyak na magsisibalikan muli ang mga ito.

Tiwala si Nograles na matapos ang development na ito ay hindi na magkakatotoo ang banta ni Speaker Pantaleon Alvarez ng reenacted budget.

Facebook Comments