Manila, Philippines – Sa tingin ni Senator Panfilo “Ping” Lacson, malaki ang maitutulong ng mga ahensya ng gobyerno para matukoy ang mahigit 52 bilyon pesos na umano ay pork barrel funds na nakapaloob sa panukalang pambansang pondo para sa 2019.
Ayon kay Lacson, pangunahing makakatulong sa pagbusisi sa budget ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na sinasabing pinagkunan ng nasabing salapi.
Tinukoy ni Lacson, ang lumabas sa mga reports na isiniksik ang nabanggit na pondo sa proposed budget para sa Department of Education (DepEd), Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), State Universities and Colleges at pati sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sabi ni Lacson, tatanungin nila ang nasabing mga ahensya kung may alam sila sa nabanggit na pondo at kung anu-anong mga proyekto ang paggagamitan nito.
Giit ni Lacson, masasayang lang ang nabanggit na salapi kung ang mga ahensya ay wala namang alam at walang pag-aaral na ginawa sa mga proyektong bubuhusan nito.