Manila, Philippines – Nagpaalala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga opisyal na iwasan ang premature campaigning para sa 2019 Senatorial elections.
Tugon ito ng poll body kasunod ng mga kumakalat na posters na may mukha ni Special Assistant to the President Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa mga footbridge, poste ng kuryente at maging sa mga puno sa Malabon City.
Makikita rin sa mga poster ang pangalan ni Malabon City Councilor Bernard Dela Cruz kung saan sinusuportahan niya si Go.
Sabi ni COMELEC Spokesman James Jimenez, bagama’t hindi itinuturing na ilegal ang premature campaigning sa ngayon, hindi dapat ito ginagawa ng mga kakandidato sa nalalapit na halalan.
Binanggit din ni Jimenez na ang mga nag hain ng Certificate of Candidacy (COC) ang siyang kikilalanin lamang bilang kandidato at maaring mangampanya sa pagsisimula ng campaign period.
Una nang sinabi ni Go na hindi siya tatakbo sa 2019 elections kahit ine-endorso na siya ni Pangulong Rodrigo Duterte.