2021 budget ng DOH at iba pang ahensya na hindi nakikinig sa Senate report kaugnay ng PhilHealth anomaly, gigisahin sa Senado

Tiyak na maaapektuhan ang 2021 budget ng lahat ng mga ahensyang hindi nakikining sa senate report kaugnay ng anomalya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Ito ang babala ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III matapos na madismaya sa hindi pagkakasama kay Health Secretary Francisco Duque III sa mga inirekomendang kasuhan ng Task Force PhilHealth.

Sa interview ng RMN Manila, iginiit ng senador na imposibleng hindi alam ni Duque ang nangyayaring katiwalian sa PhilHealth dahil siya ang Chairman of the Board.


“Masagwa ‘yung palusot [DOJ Usec]… ‘yung palusot na e hindi naman daw kasi nakapirma. Ang ibig mong sabihin hindi niyo [DOJ Usec] binasa yung PhilHealth Law? Ang nakalagay do’n ‘yung Chairman of the Board hindi bumoboto kaya hindi pipirma ‘yan. Hindi pwedeng hindi mo [Sec. Duque] alam ang nangyayari because you [Sec. Duque] govern the PhilHealth,” ani Sotto.

Kaugnay nito, nagbabala si Sotto na bubusisiin nilang mabuti ang panukalang pondo sa susunod na taon ng mga ahensyang binabalewala ang report ng Senado.

“Maaapektuhan lahat no’ng budget ng mga hindi nakikinig sa Senate report. Bubusisiin naming mabuti bakit ganon ‘yung attitude nila sa Senado, e di magkakaalaman tayo,” dagdag pa ng senador.

Tiwala naman si Sotto na hindi magpapa-impluwensya ang Office of the Ombudsman matapos sabihin ng mga kinasuhang opisyal ng PhilHealth na lilinisin nila ang kanilang mga pangalan.

“Nagtitiwala ako na ‘yung mga rekomendasyon ng DOJ Task Force at saka yung Senate report ay pagdating sa Ombudsman, ibang kulay ‘yan. Iba ‘yung Ombudsman kung kumilos. Hindi pwede yung implu-impluwesya ro’n,” saad ni Sotto.

Facebook Comments