Posibleng hindi masunod ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng libreng COVID-19 vaccine ang nasa 20-milyong mahihirap na Pilipino.
Ito ang ibinunyag ng ilang mambabatas matapos na mapag-alaman na hindi sapat ang proposed budget ng Department of Health para sa procurement ng COVID-19 vaccines.
Sa budget deliberations sa Kamara, ipinunto ni Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo na nasa P600 per unit ang halaga ng vaccine.
Ibig sabihin nito, kakayanin lamang ng pondo ng DOH para sa vaccines na aabot sa P2.5 billion na sagutin ang pagpapabakuna ay nasa 3.9-million na Pilipino o 20% ng target lang.
Ayon kay Quimbo, na isa rin ekonomista, base sa isang ulat noong July ay kailangan ang 2 doses sa bawat tao, ngunit kung titingnan ang pondo, ay tila lumalabas na para lamang ito sa isang dose ng vaccine.
Nabatid na karagdagang pondo na aabot sa P10.4-billion ang kinakailangan para makabili ng sapat na COVID vaccines para sa mga mahihirap na Pilipino.