2021 proposed budget, naglalaman ng ₱469-B na unconstitutional at illegal items

Isinawalat ni Senator Panfilo Ping Lacson na may nakasiksik na ₱469 billion na lump sum at reappropriations sa panukalang 2021 national budget.

Sinabi ni Lacson na ₱369 billion dito ay lump sum na nasa central office ng Department of Public Works and Highways o DPWH at nakalaan sa preventive maintenance, rehabilitation at reconstruction ng mga kalye.

Diin ni Lacson, labag sa Supreme Court ruling ang lump sum o hindi detalyadong items sa budget.


May nakita rin si Lacson na kabuuang ₱73.5 billion na reappropriations para sa 2,933 items na napondohan na ngayon taon pero pinondohan uli sa susunod na taon.

Ipinaliwanag naman ni Budget Secretary Wendell Avisado, ang reapproproations na nakita ni Lacson ay inulit pondohan sa 2021 dahil ito ay mga proyektong hindi natapos dahil ang pondo ay ginamit pantugon sa COVID-19 pandemic.

Dahil dito ay pinapasumite ni Lacson sa DPWH sa pamamagitan ng Department of Budget and Management (DBM) ang nirebisang listahan ng programa, mga aktibidad at proyekto bago may maka-intres na mag-realign sa nabanggit na halaga.

Sa proposed 2021 budget ay ang DPWH ang ikalawang ahensya na may pinakamalaking pondo na nagkakahalaga ng mahigit ₱667.3 billion.

Facebook Comments