Niratipikahan na ng Senado ang report ng bicameral conference committee ukol sa panukalang pambansang budget para sa taong 2022 na 5.024 trillion pesos (5 trillion 24 billion pesos).
Ayon kay Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, mananatili rito ang pagtataas ng budget para sa sektor ng kalusugan dahil nananatili pa rin ang COVID-19 pandemic at nakaamba pa rin ang panganib ng mga variants nito tulad ng Omicron.
Pangunahing binuhusan ng pondo sa health sector ang pagpapaigting ng COVID-19 testing, pagkuha at pagti-training ng contact tracers at ang pambili ng mga gamot at bakuna laban sa COVID-19.
Alinsunod naman sa Konstitusyon, ay sinabi ni Angara na pinakamataas pa rin ang budget para sa edukasyon kung saan kabilang sa pangunahing tutustusan ng Department of Education (DepEd) ang retrofitting ng mga eskwelahan o ang pagsasaayos ng mga ventilation para sa unti-unti pagbubukas ng face-to-face classes.
Binanggit ni Angara na may dagdag namang pondo para sa mga state universities and colleges na may medical schools.
Sinabi ni Angara na tuloy rin ang budget para sa mga livelihood programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin sa Department of Labor and Employment (DOLE) at may 5 bilyong piso naman para sa special amelioration program.
Binanggit ni Angara na 107.67 billion naman ang nakalaan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) kasama na ang para sa rice subsidy program.
17.1 billion pesos naman ang budget para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict o NTF-ELCAC kung saan ang 10.5 billion pesos ay unprogrammed o depende sa magiging dagdag na kita ng gobyerno.
Diin ni Angara, mayroon ding Tatak Pinoy provision sa 2022 national budget na nag-oobliga sa mga ahensya ng gobyerno na tangkilikin ang mga produktong nagmula at gawa sa Pilipinas.