Prayoridad ng Kamara sa pagbubukas ng unang regular na sesyon ng 19th Congress ang 2023 national budget.
Ayon kay House Majority Leader Martin Romualdez, tatapusin ng Kamara sa 4th quarter ng taon ang pambansang budget nang sa gayon ay may sapat na panahon si Pangulong Bongbong Marcos para malagdaan ito para maging batas.
Mayroon aniyang 30 araw pagkatapos ng unang SONA ni Marcos para magsumite ng panukalang 2023 National Expenditure Program (NEP) ang Malacañang.
Sa kabilang banda, hihintayin naman ng Mababang Kapulungan ang mga sasabihin ni Marcos sa kanyang magiging talumpati sa SONA partikular sa mga nais nitong maaprubahan at prayoridad na mga batas.
Ilan aniya sa mga priority bills ng Kamara ay una na ring nabanggit ni Pangulong Marcos, kung saan ang ilan ay nakahain na sa Kamara.
Dagdag pa sa mga isusulong ulit ng mga kongresista ang mga panukalang batas na unang lumusot na sa 18th Congress pero hindi naman umusad sa Senado.