Nanatiling nakabinbin sa deliberasyon sa plenaryo ng Kamara ang ₱1.469 billion na panukalang pondo sa susunod na taon para sa National Commission on Indigenous People (NCIP) dahil sa ilang isyu.
Kabilang dito ang ibinunyag ni Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas na iregularidad sa coffee table book project ng NCIP na nagkakahalaga ng ₱7 million na pinondohan ng Tourism Promotions Board (TPB) pero humihingi pa umano ng pondo ang NCIP sa iba’t ibang mining companies at grupo ng mga katutubo.
Dagdag pa ni Brosas ang umano’y pagbili ng NCIP ng mamahaling gamit at patuloy na pagdaraos ng NCIP ng conventions at meetings sa mga mamahaling hotel o resorts lalo na noong 2018 at 2019 kahit siwanay na ito ng Commission on Audit (COA).
Sagot ni Benguet Representative Eric Yap, na siyang nagdedepensa sa 2023 budget ng NCIP, nasagot na ang isyu ukol sa pagsasagawa nito ng events sa high end hotel at resorts.
Sabi ni Yap, kasalukuyang tinutugunan ng NCIP ang isyu sa pagbili nito ng mga tablets at laptop na ginamit sa zoom meetings sa kasagsagan ng pandemya.
Samantala, pinagbibitiw naman Kabataan Party-list representative Raoul Manuel si NCIP Chairperson Allen Capuyan.
Ito ay makaraang lumutang ang video na nagpapakita na ginamit umani Capuyan sa politika nitong 2022 national elections ang pulong sa Indigenous People’s Mandatory Representatives (IPMR) na itinanggi naman ni Capuyan.