Kumpiyansa si Senate Committee on Basic Education Chairman Sherwin Gatchalian na tugon sa kakulangan ng pondo para sa libreng matrikula sa mga state universities and colleges (SUCs) ang bagong kapapasang 2024 national budget o ang Republic Act 11975.
Ang tinatayang deficiencies o kakulangan para sa free higher education ay aabot ng P4.1 billion at batay naman sa impormasyon ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), aabot sa 1.8 million na mga estudyante ang kukuha ng libreng edukasyon sa kolehiyo sa 2024.
Nabigyang solusyon ni Gatchalian ang problema matapos na magsingit ng senador ng probisyon sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act kung saan ang hindi nagamit na balanse o pondo sa Higher Education Development Fund (HEDF) ang siyang ipantatapal o gagamitin para tugunan ang kakulangan sa alokasyon sa free higher education sa mga SUCs.
Iminungkahi ni Gatchalian ang paggamit sa HEDF dahil base sa datos ng Bureau of Treasury, ang naipong balanse ng pondo mula May 22, 2022 ay lumobo sa P10.167 billion.
Para sa senador, ang balanse ay sapat na para mapondohan ang agwat o kakulangan sa free higher education sa SUCs ngayong taon.
Binigyang diin pa ng mambabatas na mahalagang mabigyan ng sapat na pondo ang mga SUC upang maipagpatuloy ang paghahatid ng de kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.