Tiniyak ni Senate President Chiz Escudero na dumaan sa mabusising review ang nilagdaan ni Pangulong Bongbong Marcos na P6.326 trillion na 2025 national budget.
Ayon kay Escudero, produkto ng “collaborative process” o pagtutulungan ang nilagdaan ngayon na 2025 General Appropriations Act (GAA) ng pangulo.
Aniya, bagama’t natagalan ang paglagda sa budget, ito naman ay normal na bahagi ng budget process dahil hindi lamang ito ang pinakamahalagang lehislasyon kundi ito rin ang pinakamahaba at pinaka-kumplikadong panukala na inaasahang ipapasa ng Kongreso taon-taon.
Ang mahalaga aniya ay napirmahan na ni PBBM ang 2025 GAA bago pa man matapos ang taong 2024.
Ang pahayag aniya ng pangulo na ikinonsidera nila ang inputs ng publiko sa pagrepaso sa budget ay senyales na buhay ang demokrasya sa bansa at pinakikinggan ng pangulo ang tinig ng publiko.
Sinabi pa ni Escudero na bagama’t nais ng mga mambabatas na mapanatili ang kani-kanilang mga tamendment pero sa huli ay umiiral ang “give and take” sa pagsasapinal sa budget lalo pa’t limitado lang ang pondo para sa unlimited o walang katapusang pangangailangan ng mga Pilipino.