Nasa 203 kongresista ang nagpahayag ng suporta para sa pagpapatuloy ng speakership ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano sa kabila ng term-sharing deal nila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Para kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, maipapasa nila ang anumang panukala nang walang sagabal kung mananatili bilang House Speaker si Cayetano.
Gayunman, hihintayin nilang magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kung kikilalanin ang kasunduan.
Tiniyak din ng mambabatas na anuman ang maging desisyon ng Pangulo ay gagawin nila ang mga kinakailangan hakbang lalo na ang pagpasa sa 2021 budget.
Sa ngayon, wala pang ipinatatawag na sinumang House Leader si Velasco para ipagbiga-alam kung magkakaroon ng pagpapalit sa House leadership.
Samantala, para kay Buhay Party-List Rep. Lito Atienza, dapat na sumunod si Cayetano sa “gentleman’s agreement” nila ni Velasco.
Iginiit din ni Atienza na hindi dapat nanghihimasok ang Pangulo sa Congressional elections dahil maituturing itong paglabag sa kalayaan ng tatlong sangay ng demokrasya.