21 anyos na estudyante sa Ramon, Isabela, Patay matapos salpukin ng Ambulansya!

4496

*Ramon, Isabela-* Patay ang isang binata matapos mabangga ng kasalubong na ambulansya bandang 6:30 kagabi sa pambansang lansangan ng brgy Raniag, Ramon, Isabela.

Kinilala ang biktima at driver ng motorsiklo na si Jun Jun Abad Caisip, 21 anyos at residente ng brgy San Miguel, Ramon, Isabela habang ang suspek at driver ng Ambulansya ay si Amor Castro Narciso, 58 anyos, may asawa at residente ng Corazon Villa Uno Villa Magat, San Mateo, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), lumalabas sa imbestigasyon ng PNP Ramon na magkasalungat na binabaybay ng biktima at suspek ang nasabing lansangan nang masalpok ng ambulansya ang kasalubong na motorsiklo matapos itong mag overtake sa sinusundang sasakyan.

Nagtamo ng malalalim na sugat sa katawan ang driver ng motorsiklo at sugatan rin ang driver ng ambulansya maging ang sakay na pasyente na dadalhin sana sa De Vera Hospital, Santiago City.

Agad namang dinala sa pagamutan ng Rescue 316 Ramon, Isabela ang mga sugatan subalit idineklarang Dead on Arrival (DOA) ng attending physician si Jun Jun Caisip.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP Ramon hinggil sa naturang insidente.

Facebook Comments