Cauayan City, Isabela- Arestado ang dalawamput isang (21) katao mula sa Enrile, Cagayan matapos maaktuhan sa pagsasabong sa kabila ng umiiral na Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Police Regional Office 02 (PRO2), nadakip dakong ala una ng hapon, Marso 28, 2020 ang 21 na mga sabungero matapos silang maaktuhan ng mga rumespondeng pulis na nagsasabong (Tupada) partikular sa boundary ng bayan ng Solana at Enrile ng naturang Lalawigan.
Nakumpiska sa pag-iingat ng mga suspek ang dalawang (2) set ng ‘Tari’, apat (4) na buhay na manok, apat (4) na patay na manok at pera na nagkakahalaga ng Php68,565.00.
Ang mga suspek ay dinala sa himpilan ng pulisya at sila’y mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9287 (Illegal Cockfighting) at paglabag sa RA 11332 o “Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act”.