Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na 21 sa mga naturukan ng bakuna kontra COVID-19 ang nakaranas ng serious adverse events.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 20 sa mga ito ang naturukan ng Sinovac habang isa ang nabakunahan ng AstraZeneca vaccine.
Aniya, sa ulat ng National Adverse Events Following Immunization Committee, posibleng anxiety o takot ang naramdaman ng mga nakaranas ng adverse events.
Sa kabuuan, 978 ang dumanas ng adverse effects ng bakuna.
892 dito ang naturukan ng Coronavac o Sinovac at 872 rito ay non-serious.
Sa AstraZeneca naman aniya ay 86 ang nakaranas ng adverse effects, at sa nasabing bilang, 85 ang non-serious adverse effects habang isa lamang ang nakaranas ng seryosong epekto ng bakuna.
Wala naman aniyang dapat na ikabahala ang publiko dahil manageable naman ang sitwasyon at agad itong natutugunan.
Ang common adverse events na tinuturing na minor o hindi seryoso ay muscle pain, pananakit o pagkirot sa injection sides, lagnat, pagtaas ng presyon at rashes.
Ngunit sa sandali naman aniyang mabigyan na ng gamot ay bumubuti na rin ang pakiramdam at sila ay napapauwi na rin.
Itinuturing na serious adverse events ang mga nakanaras ng paninikip ng dibdib at nahirapang huminga dahil nakararanas ng halong takot sa pagpapabakuna.
As of March 10, ang total ng nabakunahan sa bansa ay 114,615.