Umaabot sa 22.9 milyong mga Pilipino ang makikinabang ng expanded social amelioration program ngayong umiiral ang 1 week Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus areas.
Ayon kay Budget Sec. Wendel Avisado ang datos ay mula sa Department of Social Welfare and Development at National Economic and Development Authority.
Una na ring sinabi ni Sen. Bong Go na may P23B na pondo na paghuhugutan ang pamahalaan para sa nasabing ayuda.
Kasunod nito sinabi ni Avisado na kasalukuyan pa itong niri-review ng Office of the Executive Secretary at inaasahang sa loob ng araw na ito ay maianunsyo ng Office of the President ang mga detalye hinggil dito.
Kasama rin dito kung sinu-sino ang kwalipikadong benepisyaryo, magkano ang ibibigay at kung kada pamilya ba ito o kada indibidwal.
Posible rin ani Avisado na maibigay ang assistance pagsapit ng kalagitnaan ng Abril.
Samantala, inaasahang iaanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talk to the people mamayang gabi ang pinal na desisyon at ang aasahang quarantine classification ng mga lugar sa bansa mula April 5 hanggang April 30.