Cauayan City, Isabela- Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Isabela ang isang 22 anyos na babae na naaresto sa ikinasang entrapment operation ng mga awtoridad kahapon, September 14, 2021 dahil sa pagtangay nito ng isang motorsiklo at manloko sa ilang aplikante na gustong pumasok sa AFP at PNP.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Police Major Rey Sales, Provincial Officer ng HPG Isabela, kinilala nito ang suspek na si Jebelyn Bungcag, 22 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Turod, Reina Mercedes, Isabela.
Nag-ugat ang pagkakahuli ni Bungcag matapos dumulog sa himpilan ng CIDG ang isang Alexander Macapulay Jr, 32 taong gulang, binata, PNP applicant, residente ng Lasam, Cagayan at kasalukuyang nangungupahan sa Villarta Street, Brgy. District 1, Cauayan City, Isabela dahil sa nawawala nitong motorsiklo simula kahapon ng madaling araw, September 14, 2021.
Kaugnay nito, agad na nakipag-ugnayan ang CIDG sa HPG Isabela upang magsagawa ng entrapment operation kung saan pinaghihinalaan umano ni Macapulay si Bungcag dahil siya lamang umano ang pumunta sa kanyang boarding house nang ibigay nito ang Php15,000.00 na halaga bilang bayad para matulungan umanong makapasok sa AFP o PNP.
Nagsanib-pwersa ang mga operatiba ng CIDG Isabela, HPG Isabela at PNP Cabagan upang ikasa ang operasyon sa isang hotel sa bayan ng Cabagan kung saan positibo namang humarap ang suspek na nakasuot pa ng PNP uniform kasama ang isa pa nitong biktima na nagpapatulong din para makapasok sa hanay ng kapulisan o kasundaluhan.
Sa nasabing transaksyon, dito na nakita ang nawawalang motorsiklo ni Macapulay dahil ginamit mismo ito ng suspek nang makipagkita sa hotel kung saan din siya tuluyang dinakip.
Ayon pa kay PMaj Sales, mahaharap ngayon sa patung-patong na kaso si Bungcag kung saan nasampahan na siya ng Carnapping habang isasampa naman ng CIDG Isabela ang iba pa nitong mga kaso.