Umabot na sa 22 indibidwal ang sinita at sinampahan ng reklamo ng Manila Police District (MPD) matapos lumabag sa ipinatutupad na health protocols sa Manila North Cemetery.
Ilang araw ito bago pansamantalang isara sa publiko ang mga sementeryo simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao at pagkahawahan ng COVID-19.
Ayon kay MPD Chief Police Brig. Gen. Leo Francisco, aabot sa 25,000 indibidwal ang bumisita sa Manila North Cementery nitong linggo habang nasa 15,000 naman noong sabado.
Ang 22 katao na nahuli ay hindi nagsusuot ng face mask at ilang beses nang lumabag.
Nabatid na batay sa ordinansa ng Manila Local Government Unit (LGU), kapag una at ikalawang offense ay pinagsasabihan lang muna pero huhulihin kung lalabag sa ikatlo.
Tiniyak naman ni Francisco na tuluy-tuloy na binabantayan ng MPD katuwang ang iba pang ahensiya ang Manila North Cemetery at iba pang libingan at kolumbaryo bago pa isara ang mga ito.