Cauayan City, Isabel – Nabigyan na ng kaukulang permit ang dalawampu’t dalawang negosyante ng paputok dito sa Cauayan City para sa nalalapit na bagong taon.
Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay ginang Helen Grace Argonza, ang City Government Assistant ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) ay sinabi niya na maari pang madagdagan ang bilang ng mga nais magbenta ng paputok dito sa lungsod hanggat hindi pa nagbibigay ng paabiso ang nasabing tanggapan para simulan ang pagbenta ng paputok sa naitalagang lugar.
Aniya, kasalukuyan pa lamang umano na inaayos ng mga nabigyan na ng permit ang kanilang mga pwesto at si Mayor Bernard Dy umano ang magbibigay ng signal kung kailan dapat magsimulang magbenta ng paputok.
Pahayag pa ni ginang Argonza na sa dating lugar parin umano ang naitalaga para sa mga magbebenta ng paputok at ito ay sa harapan ng strong builders o sa San Fermin Cauayan City.
Samantala, ayon naman kay Fire Chief Inspector Gay Galisim, ang Fire Marshall ng BFP Cauayan City, na mARAMI na siyang napirmahang permit ng mga fireworks vendor.
Sinigurado pa ni Fire Marshall Galisim na magsasagawa ng inspeksyon ang pamunuan nito sa lugar ng bentahan ng paputok upang matiyak ang kaligtasan ng mga negosyante maging ang mga bibili ng paputok.
Kasama rin umano ang PNP Cauayan City sa inspeksyon upang makita kung ano ang dapat lamang na ibentang paputok sa lugar kapag nabigyan na ng signal ang mga negosyante.
Kaugnay pa nito ay mayroon din umanong ocular inspection ang BFP Cauayan City sa mga christmas lights ng mga business establishment sa lungsod lalo na ang may overloaded na saksakan na karaniwang pinagmumulan ng sunog.