Aabot sa 224 na dating miyembro ng Kadamay at Bayan Muna sa San Jose Del Monte Bulacan ang nagbalik-loob sa gobyerno.
Ayon kay Major Carl Sanchez, Company Commander ng 301st company, kabilang sa mga sumuko ay isang dating rebelde, apat na kadre ng partido, isang kandidatong kasapi ng partido at tatlong organizer ng white area.
Upang maipatupad ang social distancing, hinati sa dalawa ang grupo.
Nasa 100 na inilagay sa covered court at 124 sa Muzon Eco Park.
Karamihan sa mga miyembro ng Kadamay ay mga pumasok noon sa mga pabahay ng gobyerno sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Ka Amor ng Kadamay, pinangakuan sila ng Kadamay ng magandang buhay.
Pero, hindi naman natupad ang mga pangako tulad ng makapag-may ari ng sariling unit sa mga pabahay sa Pandi, Bulacan.
Sa halip ay nagagamit lang sila sa kilos-protesta at iba pang aktibidad ng Kadamay at Bayan muna kontra sa gobyerno.
Nanawagan ang mga ito sa kanilang ibang mga kasamahan na magbalik loob na rin sa gobyerno
Nagpasalamat sila kay Pangulong Rodrigo Duterte sa mga naipagkaloob sa kanilang mga financial at livelihood para makapag panibagong buhay.
Nilinaw rin ng mga ito na hindi sila pinilit na magbalik loob sa pamahalaan kundi nagising sila sa katotohanan.