227 bangkay ng mga sinakripisyong bata, nahukay sa Peru

Programa Arqueologico Huanchaco/AFP

Nadiskubre ng mga archaeologist sa Peru ang libingan na mayroong 227 bangkay ng mga bata na inialay bilang bahagi ng ritwal ng kulturang Chimu.

Ayon sa chief archaeologist na si Feren Castillo, itinuturing itong pinakamalaking sacrificial site na nahukay malapit sa Huanchaco.

Bahagi ng kulturang Chimu ang pag-aalay ng mga batang may edad apat hanggang 14 bilang papupuri sa mga diyos.


Sa obserbasyon pa ng mga archaeologist, may mga senyales na pinatay ang mga natagpuan bata sa panahon ng tag-ulan, marahil ay para pahupain ang El Nino.

Natagpuan ang mga labi na nakaharap sa dagat, ilan dito ay mayroon pang balat at buhok.

Hindi naman daw imposibleng mas marami pang makukuhang bangkay sa patuloy na paghuhukay.

Tanyag ang kulturang Chimu, na isa rin sa mga pinakamakapangyarihang sibilisasyon sa Peru, noong 1200 hanggang 1400 sa regular na paggamit ng mga bata bilang sakripisyo.

Noong Abril nakaraang taon, nadiskubre naman ng mga archaeologist ang libingan na may 140 bata na nasa edad na lima hanggang 14.

Makalipas ang dalawang buwan, Hunyo, 56 pang mga labi ang natagpuan sa paligid ng Huanchaco Pampa la Cruz.

Hinihinalang inialay din ang mga batang natagpuan para pahupain ang El Nino.

Umabot ang sibilisasyon ng Chimu sa Peruvian coast hanggang Ecuador, ngunit naglaho rin noong 1475 matapos sakupin ng imperyo ng Inca.

Facebook Comments