Gumagawa na ng hakbang ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela upang mabawasan na ang mga tubig baha sa lungsod.
Kaugnay nito, sabay-sabay na binuksan ang lahat ng 23 pumping stations para mapababa o mawala ang baha na idinulot ng malalakas na ulan bunsod ng magkasunod na Bagyong Egay at Falcon na sinabayan pa ng habagat.
Nabatid na ilang mga barangay ay bahagyang humupa o bumaba na ang baha kaya nadaraanan na ito ng mga residente at mga light vehicle.
Kabilang naman sa nananatiling mataas pa rin ang tubig baha ay sa G.Lazaro Street o sa harap mismo ng Valenzuela Emergency Hospital na umaabot ng hanggang baywang kaya hindi madaanan ng maski truck.
Kaugnay nito, baha pa rin sa ilang bahagi ng mga Barangay Dalandanan, Pasolo, Rincon, Polo, Isla, Arkong Bato at Malanday.
Patuloy na naka-monitor ang Valenzuela LGU sa mga nabanggit na lugar upang agad na makaresponde sakaling kailanganin ng tulong.