Cauayan City, Isabela- Umaabot na sa kabuuang 239 na alagang baka ang naipamigay ng Department of Agriculture (DA) Region 2 sa mga magsasakang apektado ng nagdaang Bagyong Ulysses.
Ito pa rin ay sa ilalim ng Livestock Program na ipinamahagi sa mga lalawigan ng Quirino, Nueva Vizcaya at Isabela.
Ayon kay Ginoong Demetrio Gumiran, Livestock Program Head, nai-deliver na ang 28 heads ng baka sa magkakahiwalay na bayan ng Diffun, Cabarroguis and Nagtipunan sa Quirino noong June 7 gayundin ang 28 na baka sa mga bayan ng Bayombong, Aritao, Quezon at Kayapa sa Nueva Vizcaya.
Noong June 8 at 15, 2021, naipamahagi naman ang nasa 141 na baka sa mga bayan ng San Mariano, San Agustin, Delfin Albano, Ilagan at Reina Mercedes sa Isabela, nakatanggap rin ng 42 heads ng alagang baka ang Cauayan City at Tumauini na umabot sa kabuuang 183.
Sa probinsya ng Cagayan, nakumpleto na rin ang pag-deliver bg 216 na baka sa mga magsasakang labis na naapektuhan ng bagyo ngayong buwan ng Hunyo.
Sa kabuuan, umabot sa P846 million ang inilaang londo sa Cagayan na ipinangako ni DA Sec. William Dar.
Matatandaang labis na nasalanta ng kalamidad ang bansa noong Nobyembre 2020 kung saan nagdulot ito ng malawakang pagbaha sa Luzon partikular sa Cagayan at Isabela.
Malaki man ang nawala sa industriya ng livestock ay pilit na ginagawa ng mga magsasaka na muling makabangon dahil sa kalamidad.