24/7 operations para sa mga public infrastructure projects, iginiit ng isang kongresista

Nakiisa si Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan sa isinusulong ng mga kasamahang mambabatas na gawing 24/7 ang trabaho para sa mga government infrastructure projects.

Nakapaloob ito sa House Bill 9666 na inihain ng ilang kongresista sa pangunguna ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo na sumasaklaw sa lahat ng mga infrastructure projects na pinondohan ng national government, mga lokal na pamahalaan at government-owned and -controlled corporations.

Layunin ng panukala na mapabilis at mabawasan ang abala sa publiko ng mga proyektong pang-imprastraktura tulad ng maintenance, pagsasaayos o konstruksyon ng mga kalye at tulay.


Katwiran pa ni Yamsuan, isang dahilan ng matinding problema sa trapiko lalo na sa mga highly urbanized areas ay ang mga naantalang infrastructure projects.

Para sa kapakanan ng mga manggagawa ay inuutos ng panukala na dapat makatwiran ang oras ng palitan ng pagtatrabaho ng mga ito at dapat din silang isailalim sa sapat na pagsasanay upang mapahusay ang kanilang kakayahan na akma sa proyekto kung saan sila nakatalaga.

Kapag naging batas, ang mga contractors na lalabag ay mahaharap sa kaparusahan tulad ng suspensyon sa paglahok sa mga proyekto ng pamahalaan.

Facebook Comments