Isang lalaki sa Nagcarlan, Laguna ang nalunod sa ilog matapos atakihin ng sakit na epilepsy noong Linggo ng umaga.
Labis ang pagdadalamhati ng pamilya Bamboa sa biglaang pagpanaw ng kanilang kaanak na si Richard, 24 taong gulang.
Kuwento ng kuya nitong si Bryan, nagtungo sila sa ilog para sana maglaban. Iniwan niya raw sandali ang bunsong kapatid sa tabing-ilog upang bumili ng sabon.
Pero hindi lubos akalain ni Bryan na ‘yun na ang huling beses na makakapiling niya si Richard.
Naisugod pa ang biktima sa pagamutan subalit binawian din ng buhay kinalaunan.
Batay sa imbestigasyon, higit isang oras nang palutang-lutang sa ilog ang katawan ng biktima bagong tuluyang narekober.
Posibleng sinumpong ng pangingisay si Richard dulot ng sakit niyang epilepsy kaya umano’y nalunod, ayon sa naulilang pamilya.
Payo naman ng pulisya sa publiko, hangga’t maari ay huwag iiwanan ang kasama kung may iniinda itong karamdaman lalo na kung nasa matubig o matataas kayong lugar.
“Pagsabihan muna natin na huwag pumunta sa ganung lugar at walang kasama,” paalala ni Police Staff Sgt. Ferdinand Bruno ng Nagcarlan police.