Masusing pinag-aaralan sa ngayon ng National Task Force against COVID-19 na gawing 24/7 ang pagbabakuna kapag dumating na ang bulto ng anti-coronavirus vaccines sa bansa.
Sa Laging Handa Public Press Briefing, sinabi ni NTF Deputy Chief Implementer at Testing Czar Secretary Vince Dizon na kanila rin itong kinokonsidera upang makamit ang kanilang target na 50 hanggang 70 milyong Pilipino na mababakunahan bago matapos ang 2021.
Pero sa kabilang banda ay kinokonsidera rin ng NTF ang sitwasyon ng mga vaccinator.
Ani Dizon, maaari namang gawing dalawa hanggang tatlong shift kada araw ang vaccination upang mas mabilis umusad at mas maraming mabakunahan.
Inaasahan kasi na pagsapit ng 3rd o 4th quarter ng taong kasalukuyan ay darami na ang supply ng bakuna sa bansa.