Arestado ang tatlong drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Highway Patrol Group (HPG), Laloma Police Station, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Balintawak, Quezon City.
Ayon kay PNP Spokesperson Brigadier General Ildebrandi Usana, nakuha sa tatlong drug suspek ang 217 na kilo ng Marijuana bricks na may Dangerous Drugs Board value na 26 million pesos.
Kinilala ang mga naarestong drug suspek na sina; Dianne Cambalicer, 37-anyos isang negosyante; Louie Cuerdo, 29-anyos isang driver at isang nagngangalang Angelo.
Sila ay naaresto sa buy-bust operation kaninang umaga sa kahabaan ng EDSA, Barangay Apolonio Samson, Balintawak, Quezon City.
Paliwanag naman ni PNP Chief General Debold Sinas, ang walang tigil nilang operasyon kontra droga ay dahil na rin sa mahigpit na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang masawata ang ilegal na droga sa bansa.
Pinuri naman ni Sinas sa accomplishment ng kanyang mga tauhan at PDEA.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG), sa Camp Crame ang mga naaresto at mga nakumpiskang droga para sa documentation at proper disposition.