26 na indibidwal na sangkot sa smuggling ng langis sa Batangas, huli ng CIDG

Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG ang 26 na indibidwal kabilang ang isang Chinese national dahil sa smuggling ng langis sa Subukin Port, Brgy. Subukin San Juan, Batangas kaninang madaling araw.

Ayon kay CIDG Director PBGen. Nicolas Torre III, isinagawa nila ang operasyon sa tulong ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Coast Guard.

Nakatanggap aniya sila ng impormasyon kaugnay sa iligal na kalakalan sa lugar nang walang pagbabayad ng tax.


Nakumpiska ng mga awtoridad ang 11 na tanker truck at fishing vessel na may kargang 200,000 litro ng produktong petrolyo na nagkakahalaga ng P12.2 million.

Sa ngayon, nai-turn over na sa CIDG Batangas ang mga suspek para sa documentation habang ang mga ebidensyang nakuha sa kanila ay na-turn over naman na sa BOC.

Mahaharap ang mga suspek sa paglabag sa PD 1865 o illegal trade of petroleum products.

Facebook Comments