
Kasabay ng pagsisimula ngayong araw ng pagdinig ng House Tri-Committee laban sa paglaganap ng fake news, ilang vloggers na imbitado ang nagtungo rito sa Korte Suprema sa halip na sa Kamara.
Ito ay upang maghain ng petisyon laban sa pagdinig na kinukuwestiyon nila kung naaayon sa Saligang Batas.
Batay sa argumento ng mga ito, unconstitutional ang mga naging pahayag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na puntirya ang vloggers dahil sa paglimita nito sa kalayang magpahayag.
Dahil dito, hinihiling ng petitioners na mag-isyu ng temporary restraining order at writ of preliminary prohibitory injunction ang SC laban sa respondents na sina House Speaker Martin Romualdez, Rep. Barbers, at ang mga bumubuo ng tatlong komite na sina Congressman Dan Fernandez, Toby Tiangco at Jose Aquino II.
Kabilang naman sa naghain sina Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Glenn Chong, Richard Mata at Krizette Laureta Chu.
Noong Disyembre ng nakaraang taon nang unang sabihin ni Barbers na may mga umano’y bayarang trolls at vloggers na pinopondohan daw mula sa iligal na droga at mga operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator o POGO.