Maging si dating Senator JV Ejercito ay nabiktima rin ni Dennis Jose Borbon na inaresto ng pulisya dahil sa panloloko at panghihingi ng pera sa ilang pulitiko, kabilang si Senator Bong Go.
Kwento ni Ejercito, nagpanggap si Borbon na Congressional Staff, nagpunta sa kanyang opisina ilang taon na ang nakalilipas at nag-alok ng tulong.
Pero nagpaalam daw ito na uuwi muna sa Bicol noon at humingi ng pera para agad makauwi.
Ayon kay Ejercito, hindi tumigil ng pangungulit at paghingi ng pera sa kanya at sa kanyang mga staff si Borbon.
Sabi ni Ejercito, pinagdudahan na nila si Borbon kaya hindi na nila pinansin ang pangungulit nito at paghingi ng pera.
Hanggang sa may natanggap ang kampo ni Ejercito na text message mula sa nagpakilalang kapatid ni Borbon na nagsabing namatay na ito at kailangan nila ng pera pambayad sa ospital at pampalibing.
Subalit ayon kay Ejercito, nakita nila ang mga larawan ni Borbon na buhay na buhay at kasama ng ilang pulitiko.