Aabot sa 267 suspek sa pagnanakaw ng kable ang kinasuhan mula Enero hanggang Hunyo ngayong taon sa pinaigting na kampanya ng Globe at mga awtoridad laban sa krimen na ito na nakaaabala sa serbisyo sa milyon-milyong customers.
Ayon sa Globe Bantay Kable and Quick Response Team, 232 sa mga ito ay kinasuhan dahil sa pagnanakaw ng copper cables, fiber optic cables, at manhole covers. Ang 35 iba pa ay kinasuhan sa pagnanakaw naman sa mga unmanned cell sites. Kabilang din sa mga kinasuhan ang ilang third-party contractors.
Makikita na talamak talaga ang pagnanakaw ng kable. Easy money kasi ito kung makakabenta ng copper cable na nasa P450 hanggang P470 na ang bentahan ngayon sa mga junkshop. At siyempre, ang epekto nito: mawawalan ng Internet ang mga gumagamit ng Globe, iba pang telcos at cable operators.
Nito lamang Hulyo 6, sa isang araw lamang at sa magkaibang lugar, apat na agad ang naaresto dahil sa pagkakasangkot sa mga nakaw na kable. Hindi pa ito kasama sa bilang na naunang kinasuhan.
Sa Tanza, Cavite, tatlong kalalakihan ang timbog sa isang entrapment operation kung saan nagbenta umano sila ng 50 kahon ng kable ng Globe na nagkakahalaga ng P129,000.
Sa Quezon City naman, isang lalaki ang huli sa pagnanakaw ng Bayantel copper wires.
Patuloy na pinaiigting ng Globe ang Bantay Kable campaign nito kasama ang pulisya, mga barangay tanod at LGU.
Panawagan din ng Globe na tigilan na ang pagnanakaw sa mga kable nito at lalo na sa mga may-ari ng junkshops na huwag nang bumili sa mga ilegal na bentahan ng kable dahil matinding perwisyo ang dulot nito sa mga customers.
Maaari ring maharap sa pagkakakulong ang mga mapatutunayang sangkot dito.
Maaaring iulat ng publiko ang mga kaso ng cable theft sa Security Hotline ng Globe, 0906-3244626, o kaya’y magpadala ng email sa bantaykable@globe.com.ph.