27 Barangay sa City of Ilagan, Lockdown ng 10-araw

Cauayan City, Isabela- Inilagay sa ‘localized lockdown’ ang 27 barangay ng City of Ilagan sa Isabela dahil sa dumaraming bilang ng mga nagpositibo sa COVID-19.

Ito ay alinsunod sa Executive Order no. 15 na nilagdaan ni Mayor Josemarie Diaz.

Nakasaad sa kautusan ang pagsasailalim sa sampung (10) araw na lockdown na magsisimula pasado alas-12:00 ngayong tanghali hanggang alas-8:00 ng gabi sa April 10.


Kinabibilangan ito ng mga barangay Alibagu, Bliss Village, Calamagui 2nd, Sta. Isabel Sur, Cabisera 22, Centro San Antonio, San Felipe, Marana 1st, Naguilian Sur, Osmeña, Baculod, San Ignacio, Bagumbayan, Sta. Barbara, Baligatan, Calamagui 1st, San Vicente, Fugu, Cabisera 2, San Isidro, Guinatan, Arusip, Centro Poblacion, Malalam, Cabannugan 2nd, Alinguigan 2nd at Cabannugan 1st.

Dahil dito, hihigpitan ang paglabas ng mga residente maliban nalang sa mga kakailanganing bumili ng mga basic essentials.

Ipinatupad rin ang curfew hours mula alas-otso ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga habang umiiral ang lockdown.

Mananatili namang nakabukas ang pampublikong palengke para sa mga residenteng mangangailangan ng pangunahing bilihin subalit 200 person capacity lang sa itinakdang oras.

Kaugnay nito, kakailanganin rin ang Barangay Quarantine Pass sa paglabas ng barangay.

Samantala, tiniyak ng LGU ang pamamahagi ng food packs sa mga residente sa loob ng sampung (10) araw na lockdown.
Paalala ng LGU sa publiko na sumunod sa health protocol para makaiwas sa hawaan ng COVID-19.

Facebook Comments