Inaasahang libo-libong mga medical frontliners ang makikinabang sa oras na maisabatas ang tax relief para sa mga ito.
Ayon sa may-akda ng panukala na si Ways and Means Chairman Joey Salceda, aabot sa 270,000 medical frontliners ang mabebenepisyuhan ng income tax discounts.
Nauna nang naaprubahan sa Committee on Rules ang panukala na layuning ipakita ang pagkilala at pasasalamat ng gobyerno sa natatanging serbisyo ng medical frontliners na humaharap sa panganib ng COVID-19 pandemic.
Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng 25% discount sa kanilang income tax ang mga medical professionals na nagbibigay serbisyo ngayong may pandemya.
Sakop ng benepisyong ito hindi lamang ang mga doctor at nurses kundi pati ang ibang medical frontliners tulad ng mga administrative employees, support personnel at staff ng medical institutions anuman ang kanilang employment status.
Umaasa ang mambabatas na sa katapusan ng Enero ay tuluyang maaaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang tax relief upang agad na mapakinabangan ng mga medical frontliners.