28 Bayan sa Isabela, Apektado ng ASF; 16,000 Baboy sa Region 2, Isinailalim sa Culling

Cauayan City, Isabela- Umakyat na sa 28 bayan mula sa kabuuang 36 sa lalawigan ng Isabela ang apektado ng African Swine Fever (ASF) batay sa pinakahuling datos ng Department of Agriculture (DA) region 2.

Ayon kay Regional Executive Director Narciso Edillo, umaabot na sa 16,000 ang bilang ng mga na-cull o ibinaon sa lupa na mga alagang baboy bilang bahagi ng ipinapatupad na polisiya kaugnay sa usapin ng ASF.

Aniya, pawang mga backyard hog raiser ang nakapasailalim sa mga datos ng ahensya na naapektuhan ng nasabing bilang.


Hinimok naman ng opisyal ang mga hog raiser na ipagbigay-alam sa kinauukulan gaya ng mga barangay official kung may nakikita ng sintomas ng sakit ng baboy para maisama sa mabibigyan ng ayuda dahil sakaling mamatay man aniya ang alagang baboy na hindi na ipagbigay alam ay hindi ito ikinokonsidera ng ahensya batay sa kanilang panuntunan.

Samantala, hiniling din ni Dir. Edillo kay DA Sec. William Dar ang pagkokonsidera na mabigyan ng binhi ang mga partially damaged na apektadong magsasaka.

Tinatayang nasa mahigit 74,000 ektarya ang apektado ng tagtuyot sa pananim na mais.

Facebook Comments