Cauayan City, Isabela- Nasa 28 Local Government Units na sa Lambak ng Cagayan ang nakapagbigay na ng Social Amelioration Program mula sa pamahalaan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Chester Trinidad, tagapagsalita ng DSWD Region 02, kasalukuyan nang nagbibigay ang 20 LGU’s sa Lalawigan ng Isabela, nasa 3 na sa Cagayan at Nueva Vizcaya habang 2 na sa probinsya ng Quirino.
Inaasahan aniya na madadagdagan pa ang bilang ng mga LGU’s na mamamahagi ng cash assistance ng gobyerno.
Nilinaw nito na ang mga nabigyan ay mga pamilya na kabilang sa mga mahihirap na matinding naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine dahil sa Coronavirus Disease (COVID-19), mga pamilya na naapektuhan ang hanap buhay, mga nasa minimum wage earners, construction workers, no work no pay situation, mga na-stranded sa trabaho, mga magsasaka na walang nakuhang benepisyo mula sa Department of Agriculture at hindi miyembro ng 4P’s, mga senior citizens na may pamilya at hindi nagpepension.
Maaarin din aniyang i-assess ng DSWD ang isang pamilya na na-stranded sa isang lugar dahil sa ECQ para sila ay mabigyan din ng tulong.
Base aniya sa kanilang guidelines, botante man o hindi basta pasok sa mga basehan ng mabibigyan ng ayuda ay kanila itong susuriin.
Dagdag pa ni Ginoong Trinidad, ang mga pamilya na nakunan ng pangalan subalit hindi makakatanggap ng cash assistance ay hinahanapan na rin ng paraan ng DSWD upang mabigyan ng in kind services.