28 mayors sa Negros, suportado ang tambalang BBM-Sara

Tiniyak ng 28 local government units sa Negros Occidental ang suporta sa kandidatura ni UniTeam presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at running mate nitong si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio.

Pinagtibay ito sa pamamagitan ng pulong na ginanap noong Miyerkules, Pebrero 23, sa Bacolod City.

Sinabi ni Valladolid Mayor Enrique Miravelles, pangulo ng League of Municipalities sa Negros Occidental, na 19 na alkalde ang dumalo sa pulong subalit kabuuang 28 anf nagpahayag ng suporta sa tambalang BBM-Sara.


Inihayag naman ni San Carlos City Mayor Renato Gustilo, na “all out” sa UniTeam ang buong first district ng Negros Occidental, na binubuo ng dalawang lungsod at tatlong bayan.

“This is a free country,” reaksyon ni Gustilo sa  sinabi ng ilang sektor na ang Negros ay “pink country,” na tumutukoy sa campaign color ni Vice President Leni Robredo na tumatakbo rin sa pagka-pangulo.

“Anybody can support any candidate they want. This is the call of BBM that this is a united team like in San Carlos City where we have a Team Unity,” dagdag pa ng alkalde.

Nagtungo sina Marcos at Duterte-Carpio noong Miyerkules sa Negros para pangunahan ang  grand rally sa Bacolod.

Dumating din sina dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, mister nitong si Mike at anak na si Pampanga Rep. Mikey Arroyo kasama ang UniTeam.

“I cannot give the votes as the people of Negros are intelligent voters. I bring them (Marcos and Duterte-Carpio) here so that they can talk to the people of Negros, who are very intelligent voters,” sabi ng dating pangulo.

“My role is to introduce them to our supporters here because Negros Occidental has always made my father win and made me win by a big margin from the beginning.” dagdag pa niya.

Dumalo rin sa meeting sina Rep. Gerardo Valmayor (first district), Rep. Francisco Benitez (third district), Rep. Juliet Marie Ferrer (fourth district) at Rep. Marilou Arroyo (fifth district).

Present din sina Rep. Stephen Paduano ng Abang Lingkod party-list at dating congressmen Alfredo Benitez at Mercedes Alvarez.

Hindi nagpaunlak sina Marcos at Duterte-Carpio ng media interview subalit lumahok sila sa caravan kasama ang supporters.

Facebook Comments