Pasig City – Nasa 29 na residente ng Pasig City ang dinampot ng Pasig City Police kasunod ng tensyon sa nakaambang demolisyon ng mga bahay sa lungsod.
Ayon kay Pasig-PNP Police Sr/ Supt. Orlando Yebra – kakasuhan nila ng illegal assembly, physical injury at direct assault to properties ang mga naaresto.
Una rito, sumiklab ang tensyon sa pagitan ng mga pulis at miyembro ng Kadamay matapos na pagbabatuhin sila ng malalaking bato at bote.
Binomba naman ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang mga nagbarikadang residente.
Nagbarikada ang mga miyembro ng Kadamay sa lugar dahil umano sa nakatakdang magde-demolish ng mga bahay doon.
Pero paglilinaw ni Yebra, wala pa naman talagang mangyayaring demolisyon dahil pag-uusapan pa ang resettlement ng mga maaapektuhang residente.
Matapos na humupa ang tensyon, agad na nilinis ng mga pulis ang mga basag na bubog at bato na nagkalat sa kahabaan ng East Bank Road.
Dahil dito, pansamantala rin munang isinara ang kalsada sa lugar.