Mismong si House Speaker Alan Peter Cayetano ang humarap sa budget deliberations ng Senado at sinagot ang mga kwestyon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ukol sa Southeast Asian Games na idaraos sa bansa mula November 30 hanggang December 11.
Si Cayetano din ang namumuno sa Philippine Sea Games Organizing Committee o PHISGOC, isang pribadong foundation na katuwang ng Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee sa pagpapatakbo sa Sea Games.
Paliwanag ni Cayetano, alinsunod sa federation rules ng Sea Games, ay kailangang na isang foundation o kaya ay National Olympic Committee ang mangasiwa sa Sea Games.
Ayon kay Cayetano, hindi pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Philippine Olympic Committee na mangasiwa sa Sea Games dahil marami na itong ginagawa, kulang sa budget, magulo, at dadaan pa sa maraming memorandum of agreement.
Ang iniutos aniya ng pangulo ay tripartite ang mangasiwa at ito na ang PSC, POC at PHISGOC.
Ipinagtanggol din ni Cayetano ang cauldron na ginastusan ng 50-milyong piso na aniya’y mas mababa ang presyo ng presyo kumpara sa ipinagawang cauldron ng Singapore apat na ginastusan ng 63 million.
Diin pa ni Cayetano, hindi ito basta lang cauldron, kundi simbolo ng sea games, work of art, isang monumento at mensahe ng burning flame at fighting spirit.
Tiniyak din ni Cayetano na walang iregular at lahat ay dumaan sa tamang proseso kaya bukas sila sa anumang pagbusisi.