Thursday, February 19, 2026

Publiko, hati ang opinyon sa pagtakbo ni VP Sara sa pagkapangulo

“Masyado pang maaga!”

Ito ang reaksiyon ng ilan nating mga kababayan kaugnay ng anunsiyo kahapon ni Vice President Sara Duterte na tatakbo itong pangulo ng bansa sa 2028 Elections.

Para kay nanay Jemmalyn Castillo, street sweeper, ok naman si VP Sara pero titingnan muna niya kung may mas karapat-dapat pang tatakbo sa pagkapangulo sa Presidential Elections sa 2028.

Sinabi naman ni Anjo Neil Bacalso, vendor, na maganda ang timing ng bise presidente na maagang mag-anunsiyo ng pagnanais nitong tumakbo bilang pangulo sa paparating na halalan.

Maganda raw itong pagkakataon dahil sa paniniwala niya ay paninira lamang ang mga paratang sa bise presidente.

Para naman sa rider na si Dino Albuvera, naniniwala itong susundan ng bise presidente ang yapak ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nakakulong sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong drug war ng kanyang administrasyon.

Pero kung si aling Jasmine Barcelona na isang vendor ang tatanungin, nangangamba ito na posibleng bumalik ang mga patayan kapag si Vice Presidente Sara ang magiging pangulo.

Facebook Comments