
Aarangkada na ngayong araw ang public consultation sa Visayas ukol sa mga panukalang pagbuwag sa political dynasties sa pangunguna ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pinamumunuan ni Lanao Del Sur Rep. Zia Alonto Adiong.
Gagawin ito sa University of the Philippines (UP) sa Cebu City at dadaluhan ng 1,200 mga kinatawan mula sa mga local governent units (LGUs), barangay, business sector, civil society groups, mga estudyante, at iba pang kaukulang sektor.
Magugunita na ang unang public consultation para sa mga taga-Luzon ay idinaos noong nakaraang linggo sa Carmona, Cavite.
Nakatakda namang gawin ang public consultation sa bahagi ng Mindanao bukas sa University of Science and Technology Southern Philippines sa Cagayan de Oro City.
Nasa 24 ang mga panukalang Anti-Political Dynasty ang nakahain ngayong 20th Congress sa Kamara.










