Ipinauubaya ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa bawat local commanders sa mga lugar sa bansa ang pagtanggal ng full alert status ngayong araw.
Inaasahang aalisin na ng PNP ang full alert status ngayong araw, November 2, kasunod na rin ng matagumpay at mapayapang pagdaraos ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at paggunita ng Undas.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief General Benjamin Acorda Jr., ibinibigay niya sa local commanders ang diskresyon o pagpapasya kung aalisin o pananatilihin pa ang pagpapatupad ng pinakamataas na security alert status depende sa sitwasyon na kanilang nasasakupan.
Sinabi ni Acorda na ang implementasyon ng alert status ay hanggang ngayong araw lamang dahil kailangan ding magpahinga ng mga uniformed personnel.
Dagdag ng PNP chief, wala silang na-monitor na anumang banta sa ‘peace and order’ sa buong bansa lalo na nang matapos ang eleksyon.
Tiniyak ni Acorda na may sapat na bilang ng mga awtoridad na naka-deploy kahit tapos na ang Undas para magbantay naman sa paguwi ng mga kababayan dito sa Metro Manila.