Ayaw paawat ni Auto Nation Group, Inc. chair Greg Yu sa pagbebenta ng kanyang shares sa DITO-CME Holdings Corp., ang kompanya na magpapatakbo sa third telco player sa bansa.
Ang Auto Nation ang exclusive distributor ng Mercedes-Benz at American auto brands Chrysler, Dodge, Jeep at Ram sa Filipinas.
Sa report ng isang website, ibinenta ng DITO independent director ang kabuuang 2.312 million shares mula Agosto 11 hanggang Agosto 13 sa selling price na mula P3 hanggang 3.20.
Nagbulsa si Yu ng tinatayang P7 million mula sa kanyang divestment at lumiit ang kanyang stake sa 56.368 million shares.
Noong nakaraang buwan ay ibinenta ni Yu ang P16 million na halaga ng kanyang DITO shares sa average na P3.76.
Ibinenta ni Yu ang kanyang shares bago pa ipinasa ng negosyanteng si Dennis Uy ang kanyang posisyon bilang presidente ng DITO kay dating PLDT executive Ernesto Alberto. Mananatili naman si Uy bilang chairman at CEO ng kompanya, na naghahanda na para sa pag-arangkada ng operasyon ng third telco sa susunod na taon.
Kamakailan ay binawi at ibinenta rin ng Singapore fund Accion ang buong 30 porsiyentong sosyo nito sa Dito CME Holdings Corp.
“Singapore fund Accion divests from Uy’s Dito stock… Accion had zero shares in Dito CME Holdings based on its ownership report on July 14, 2020,” ayon sa report.
Noong Agosto 2018, binili ng kompanyang Accion ang 842 milyong share of stock mula sa kompanya ni Uy sa halagang P1.45 per share, o may kabuuang halaga na P1.22 bilyon.
Ang sosyohan sa kompanya ni Uy at bilihan ng shares of stock nito ay umarangkada noong 2018 nang mapabalitang makukuha ang titulong ‘third telco player’ na umano’y babasag sa duopoly ng PLDT at Globe Telecom.
Nagkatotoo ang nasabing balita nang ang dating Mislatel consortium na pinamunuan ni Uy, na ngayon ay Dito Telecommunity, ang nanalong ‘provisional winner’ sa bidding noong 7 Nobyembre 2018 para sa third telco player sa bansa.